‘wag mo sanang isiping tinitipid kita ng mga salita
siguro, iniisip mo na sa ngayon
kung bakit ni minsan,
hindi kita sinulatan.
sadyang hindi ko lang alam
kung paano kong aalayan
ang isang taong kabisado na
ang laro ng mga salita.
sa sobrang pagkakilala mo
sa mga salita,
nagagawa mo na ring magbahagi
sa harap ng mga tao–
nagagawa mong angkinin
maging ang entablado.
iyon ang bagay na hindi ko kaya.
takot ako sa titig ng mga mata;
“naiinip na ba sila?”
“tipo kaya nila ang aking estilo?”
“marami na yata akong sinasabi”
kaya ni minsan,
hindi ako nagtangkang sulatan ka.
nakuntento na ako sa pagbabasa,
at pagtatangi sa sulat mong mga tula.
nakuntento na akong panganiban ka
mula sa kalayuan
habang tinatawid naman ng mga salita mo
ang namamagitan sa ating espasyo.
pero ngayong wala ka na,
sinusubukan ko na ring tumula
at magtanghal sa harap ng mga tao.
‘di bale na ang kaba
o ang tingin nilang umuusig sa kaluluwa
‘di naman pagtanaw nila
ang hinahanap ng aking mga mata.
dahil bumibigkas ako sa harap ng mga tao
sa pag-asang baka isang araw,
makita kitang nakatanaw–
nanonood sa malayo,
at sa wakas, maririnig mo na
ang mga salitang ‘di ko noon nasabi.
kaya habang wala ka pa,
bayaan mong sa kanila ko muna sabihin.
baka pagbigyan ng hangin
at iparating nito sa ‘yo
ang mga salitang nais kong sabihin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento