Huwebes, Agosto 1, 2024

pagkasi sa buwan ng agosto.

 Agosto na naman.

buwan ng kasaysayan. buwan ng wika.

kainis. meron na namang magpapaka-makata.

'di katulad sa dulot na ngitngit at init ng Mayo (na sinulatan naman noong nakaraan), may dulot na ginaw at pangangapa ang Agosto. may kadikit na pangungulila sa nakaraan at sa pagbibigay ng rason sa pag-iral ng wala. 

teka. paano nga bang hahanapin ang "wala"? 

paano nga ba hahanapin 
ang wala? ang wala na?
nagpapakita sila
sa bawat eskinita—
sa lansangang nilalakaran.
nagpapamalas sila
sa mga pagkakataong
ikaw lang ang may alam.
nagpaparamdam
sa napaka-random na araw.
dinig at ramdam ang kaluskos;
mistulang guniguni
ang mga sandaling nagpapaalalang
iyon na ang huli.

sa pagbabalik-tanaw
na lang nayayapos
ang kanilang tanglaw.

halos naisip ko na 
ang iba't ibang paraan
kung paano sila tulaan.
pero kahit anong wika
ang gamitin, alingawngaw
na lang talaga ang naiwan.

ngunit sa pagpulot
ng kanilang mga alaala at mga salita,
iisang lenggwahe ang kanilang gamit:
ang wika ng digma.

—————————
*'di pa tapos

Huwebes, Marso 7, 2024

'wag mo sanang isiping tinitipid kita

 

‘wag mo sanang isiping tinitipid kita ng mga salita

siguro, iniisip mo na sa ngayon

kung bakit ni minsan,

hindi kita sinulatan. 


sadyang hindi ko lang alam

kung paano kong aalayan 

ang isang taong kabisado na

ang laro ng mga salita. 


sa sobrang pagkakilala mo 

sa mga salita,

nagagawa mo na ring magbahagi

sa harap ng mga tao–

nagagawa mong angkinin

maging ang entablado. 


iyon ang bagay na hindi ko kaya. 

takot ako sa titig ng mga mata;

“naiinip na ba sila?”

“tipo kaya nila ang aking estilo?”

“marami na yata akong sinasabi”


kaya ni minsan, 

hindi ako nagtangkang sulatan ka.

nakuntento na ako sa pagbabasa,

at pagtatangi sa sulat mong mga tula.

nakuntento na akong panganiban ka

mula sa kalayuan 

habang tinatawid naman ng mga salita mo 

ang namamagitan sa ating espasyo.


pero ngayong wala ka na,

sinusubukan ko na ring tumula

at magtanghal sa harap ng mga tao.

‘di bale na ang kaba 

o ang tingin nilang umuusig sa kaluluwa

‘di naman pagtanaw nila

ang hinahanap ng aking mga mata.


dahil bumibigkas ako sa harap ng mga tao

sa pag-asang baka isang araw, 

makita kitang nakatanaw–

nanonood sa malayo,

at sa wakas, maririnig mo na

ang mga salitang ‘di ko noon nasabi.


kaya habang wala ka pa,

bayaan mong sa kanila ko muna sabihin.

baka pagbigyan ng hangin

at iparating nito sa ‘yo

ang mga salitang nais kong sabihin. 


Huwebes, Pebrero 22, 2024

alam mo ba...

 alam mo ba…
napapadalas na ngayon ang pagtulala ko.
at hindi ko namamalayan,
tumitigas na pala ang kanin sa plato.
kada subo yata,
may biglang bubugsong piraso
ng alaalang kasama ka.
kaya biglang napapatigil ako.
at kung narito ka siguro,
sisitahin at sesermunan mo ako:
chi, bawal magsayang ng pagkain!
at mauuwi na naman ito sa mahabang lektura
kung paanong ang mga magsasaka
ay nagpapakapagod hanggang mapudpod
ang kanilang mga gulugod
para lang magkaroon ng laman ang ating sikmura.
pero ‘wag kang mag-alala,
hindi ko naman sinasayang ang pagkain.
kinakain ko pa rin,
kahit tumigas na.
sadyang nawawala lang sa ulirat
kapag bigla-biglang bumibisita
ang mga alaalang kasama ka.

— — — —
[matagal nang naisulat]

Biyernes, Enero 5, 2024

 may mga gabing hindi ako okay.

kaya sa halip na sabihing hindi ako okay, pinagkukuwento na lang kita o hinihingian ng kanta. buti na lang, hindi mo na tinatanong pa. lalo na kung alam mong ayoko munang pag-usapan. sa halip na kulitin ako para magkuwento, maglalapag ka na lang ng mga kanta. o magkukuwento ng kung ano mang ganap sa buhay mo.

ginagawa mo marahil ito dahil alam mong nabubuhay ako sa mga kuwento.

kaya salamat sa pagpuno sa diwa ko ng mga awit at kuwentong kailangan ko para sa mga pagkakataong ‘di ko pa alam kung paano gamitin ang mga salita. salamat sa walang humpay na pagkukuwento, at walang pag-aatubiling pagsama sa katahimikan ko.

may naisasalba kang tao.

pagkasi sa buwan ng agosto.

  Agosto na naman. buwan ng kasaysayan. buwan ng wika. kainis. meron na namang magpapaka-makata. 'di katulad sa dulot na ngitngit at ini...