Agosto na naman.
Sa Kung Saan
impukan ng mga salitang 'di masabi-sabi sa kung kanino man. kung 'di man matawid ng mga ito ang kabilang dako, bayaan ninyong ito na lang ang kanilang maging espasyo sa mundong ito.
Huwebes, Agosto 1, 2024
pagkasi sa buwan ng agosto.
Huwebes, Marso 7, 2024
'wag mo sanang isiping tinitipid kita
‘wag mo sanang isiping tinitipid kita ng mga salita
siguro, iniisip mo na sa ngayon
kung bakit ni minsan,
hindi kita sinulatan.
sadyang hindi ko lang alam
kung paano kong aalayan
ang isang taong kabisado na
ang laro ng mga salita.
sa sobrang pagkakilala mo
sa mga salita,
nagagawa mo na ring magbahagi
sa harap ng mga tao–
nagagawa mong angkinin
maging ang entablado.
iyon ang bagay na hindi ko kaya.
takot ako sa titig ng mga mata;
“naiinip na ba sila?”
“tipo kaya nila ang aking estilo?”
“marami na yata akong sinasabi”
kaya ni minsan,
hindi ako nagtangkang sulatan ka.
nakuntento na ako sa pagbabasa,
at pagtatangi sa sulat mong mga tula.
nakuntento na akong panganiban ka
mula sa kalayuan
habang tinatawid naman ng mga salita mo
ang namamagitan sa ating espasyo.
pero ngayong wala ka na,
sinusubukan ko na ring tumula
at magtanghal sa harap ng mga tao.
‘di bale na ang kaba
o ang tingin nilang umuusig sa kaluluwa
‘di naman pagtanaw nila
ang hinahanap ng aking mga mata.
dahil bumibigkas ako sa harap ng mga tao
sa pag-asang baka isang araw,
makita kitang nakatanaw–
nanonood sa malayo,
at sa wakas, maririnig mo na
ang mga salitang ‘di ko noon nasabi.
kaya habang wala ka pa,
bayaan mong sa kanila ko muna sabihin.
baka pagbigyan ng hangin
at iparating nito sa ‘yo
ang mga salitang nais kong sabihin.
Huwebes, Pebrero 22, 2024
alam mo ba...
at hindi ko namamalayan,
tumitigas na pala ang kanin sa plato.
kada subo yata,
may biglang bubugsong piraso
ng alaalang kasama ka.
kaya biglang napapatigil ako.
at kung narito ka siguro,
sisitahin at sesermunan mo ako:
chi, bawal magsayang ng pagkain!
at mauuwi na naman ito sa mahabang lektura
kung paanong ang mga magsasaka
ay nagpapakapagod hanggang mapudpod
ang kanilang mga gulugod
para lang magkaroon ng laman ang ating sikmura.
pero ‘wag kang mag-alala,
hindi ko naman sinasayang ang pagkain.
kinakain ko pa rin,
kahit tumigas na.
sadyang nawawala lang sa ulirat
kapag bigla-biglang bumibisita
ang mga alaalang kasama ka.
[matagal nang naisulat]
Biyernes, Enero 5, 2024
may mga gabing hindi ako okay.
kaya sa halip na sabihing hindi ako okay, pinagkukuwento na lang kita o hinihingian ng kanta. buti na lang, hindi mo na tinatanong pa. lalo na kung alam mong ayoko munang pag-usapan. sa halip na kulitin ako para magkuwento, maglalapag ka na lang ng mga kanta. o magkukuwento ng kung ano mang ganap sa buhay mo.
ginagawa mo marahil ito dahil alam mong nabubuhay ako sa mga kuwento.
kaya salamat sa pagpuno sa diwa ko ng mga awit at kuwentong kailangan ko para sa mga pagkakataong ‘di ko pa alam kung paano gamitin ang mga salita. salamat sa walang humpay na pagkukuwento, at walang pag-aatubiling pagsama sa katahimikan ko.
may naisasalba kang tao.
Linggo, Hunyo 12, 2022
Kung Bakit Hindi Mo Ako Dapat Gawing Paraluman (halaw sa The Poet's Muse)
Kasama,
Kumusta? Pasensya na kung sa liham ko na lamang masasabi ang mga salitang hindi ko noon nabigkas sa harap mo—habang nariyan pa ako. Kung sakali mang iniisip mong wala ka lang sa akin, bayaan mong tunggaliin kita. Nagkakamali ka kung iniisip mong wala ka lang sa akin, o na wala akong pagtingin sa 'yo. Dahil maging ang hangin, batid ang lihim kong pagsinta.
Alam ng lansangan kung paano kita noon titigan at pagmasdan. Alam ng mga kasama kung paanong kumikinang ang aking mga mata habang nakatingin sa 'yong abala sa pagpapadaloy ng pulong noon. Saksi ang mga agiw at surot sa kubo ng mga magsasakang ating pinapakatan kung paano akong magiliw sa 'yo. Lahat yata sila, bukod sa akin, ay batid ang pagtingin ko sa 'yo. Ikaw na lamang ang hindi pa yata nakakapuna nito. Pasensya na kung 'di ko naibigay sa 'yo ang paghahapag na karapat-dapat mo namang natamo.
Ngunit ngayong magkalayo na tayo—pumapagitan na sa atin ang mga ilog at kabundukan—batid kong nanghihinayang ka. Lalo na at nababatid ko sa iyong mga sulat ang pangungulila mo sa akin. Humingi ka pa ng patawad kung bakit hindi mo nasabi sa akin nang harapan ang nararamdaman mo rin. Pero huwag kang mag-aalala, kahit wala kang nasabi katulad ko, hindi ka naman nagkulang sa pagpaparamdam noon. Kaya huwag ka na sanang manghinayang o parusahan ang sarili. Wala kang dapat ikahingi ng tawad. Dahil isa lamang ang tiyak: nangungulila rin ako sa mainit ninyong yakap. Sapagkat dito, yakap ng pangamba ang bumabalot sa akin sa tuwing malamig ang gabi. Ngunit huwag kayong mag-alala, hindi naman ako pinababayaan ng masa.
Sana, huwag ka nang manghinayang pa. Ngunit tama ka rin naman sa huli mong liham. Na baka kaya wala akong nasabi noon ay dahil ayokong maging bida ng mga sining na lilikhain mo. Tama kang hindi ko nais maging isang paraluman. Ni maging lakambini ng lahat ng lilikhain mo. O maging rason ng bawat piyesa at kantang pandigmang iluluwal mo. Batid natin pareho na hindi tayo mabubuhay ng mga awit ng panliligaw. Kaya kasama, hiling ko, lumikha ka ng mga awit na magagawang kalabanin ang mga pasista. Ang hawak mong gitara, gawin mo sanang armas-pandigma. Umawit ka ng mga awiting mapagpalaya. Lumikha ka ng mga awit na makakasama ng mga kasama sa gabing puro pangamba at lamig. Ang iyong himig ay para sa masang ating iniibig. Maging musikero kang lilikha ng mga awit ng tagumpay.
Hindi ko nais mailagay sa pedestal, at ikaw, higit kanino man, ay batid na batid ang bagay na iyan. Kagaya mo, isa lamang akong tao. At bagama't may pagkakataong ninais kong tanggapin ang alok mo, batid ko ring hindi ako nararapat maging paraluman ng kahit na sino. Sapagkat para sa akin, mas dapat alayan ang masa at ang isinusulong nating digma. Iyan ang dapat na maging sentro ng mga likhang-sining natin. Sila ang nararapat na ma-imortalisa.
Ganoon ka rin naman, palagay ko. Sasabihin mong huwag ko sanang hayaang boses mo, na minsang pumukaw sa akin habang nagsasalita ka sa lansangan, ang maging tagatulak ko upang makalikha ng awit. Sasabihin mong huwag kong tulaan ang mga mata mo, kung paanong kahit walang sinasabi ang iyong mga labi, laksa-laksa namang emosyon at salita ang sa iyong mga mata'y namumutawi. Ipapaalala mo ring mas nararapat kong tulaan kung ano ang tinatanaw ng mga ito—ang nais nating makamit na tagumpay.
Kaya naman, kasama, lumikha ka ng mga awit at tulang para sa masa. Hindi nila kailangan ng mga likhang-sining na may kinalaman sa pagsungkit mo sa buwan o mga tala. Hindi nila kailangan ng matatamis at mabubulaklak na salita. Sawa na sila sa ganiyan sapagkat diyan na sila sinanay ng estado. Manhid na sila sa mga pangakong walang laman. Kaya naman, tumaliwas ka. Lumikha ka ng sining na hindi na kailangan ng mga metapora. Ilahad mo na nang direkta. Nang tahasan. Nang walang pag-aalinlangan. Iyan ang kanilang kailangan.
Kaya sana, maunawaan mo kung bakit hindi ko matatanggap ang alok mong maging sentro ng iyong sining. At alam kong ganoon ka rin sa akin. Ngunit sana, bayaan mong ako ang iyong maging kapiling sa mga sining na kakathain. Bayaan mong ako ang iyong maging kasama sa pagpapanday ng isang lipunang tunay na malaya.
At hindi man tayo naging matapang para tumaya sa nararamdaman nating dalawa, panatag pa rin akong malamang kasabay kitang humakbang patungo sa lipunang tunay na malaya. Sapat nang naging matapang tayong dalawa para sa bayan, para sa masa.
Hanggang sa tagumpay,
iyong kasama (sa buhay, sa pakikibaka)
pagkasi sa buwan ng agosto.
Agosto na naman. buwan ng kasaysayan. buwan ng wika. kainis. meron na namang magpapaka-makata. 'di katulad sa dulot na ngitngit at ini...
-
Kasama, Kumusta? Pasensya na kung sa liham ko na lamang masasabi ang mga salitang hindi ko noon nabigkas sa harap mo —habang nariyan pa ak...
-
Agosto na naman. buwan ng kasaysayan. buwan ng wika. kainis. meron na namang magpapaka-makata. 'di katulad sa dulot na ngitngit at ini...
-
‘wag mo sanang isiping tinitipid kita ng mga salita siguro, iniisip mo na sa ngayon kung bakit ni minsan, hindi kita sinulatan. sadyang h...